Kinagiliwan ng netizens ang isang itik na makikitang nakabuntot sa kaniyang amo na delivery rider.

Sa ulat ng "Dapat Alam Mo," makikita ang video post sa social media habang nakasunod ang itik na si "Kwak-kwak," sa kaniyang amo na si Christian Lacson habang nagdedeliber.

May suot namang tila diaper si Kwak-kwak kaya tiyak na hindi siya magkakalat habang naglalakad.

Sanay din siyang sumakay sa motorsiklo na gamit ng kaniyang amo sa delivery.

Ayon sa host ng programa na si Kuya Kim Atienza, na tinatawag na "imprinting" ang mga itik, na kinikilala nilang magulang ang sinomang una nilang masisilayan sa kanilang pagsilang.

"Kapag nakita ka niya na baby pa, na ikaw ang magulang, buong buhay susunod sa iyo 'yan," sabi ni Kuya Kim. -- FRJ, GMA Integrated News