Agaw-pansin ang ilang magkakamag-anak sa Negros Occidental dahil ang mga mata nila, kulay asul kahit wala naman silang dugong banyaga.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," parehong ordinaryo ang kulay ng mga mata ng mag-asawang Cris at Tessie Rubio.
Pero ang nag-iisa nilang anak na si Kitkat, 12-anyos, parehong kulay asul ang mga mata.
Kuwento ni Cris, hindi naman siya nagulat na kulay asul ang mga mata ng kaniyang anak, dahil ang mga mata pala ng kaniyang ama, kulay asul din.
Ngunit hindi lang si Kitkat ang may kakaibang kulay ng mga mata, dahil ang ilan niyang kamag-anak, may kulay asul din ang mga mata.
Pero kung dalawang mata ang kulay asul kay Kitkat, ang kaniyang tiyuhin na si Hermie, isang mata lang ang kulay asul.
Ang anak ni Hermine na si Nikki, isang mata rin lang ang kulay asul. Gayundin ang isa niyang pamangkin na si Joseph.
Habang ang isa pa nilang kamag-anak na si Norie, dalawang mata ang kulay asul.
Bagaman may pumupuri at nagagandahan sa kakaibang kulay ng mata ng magkakamag-anak, ang iba pa sa kanila, nagiging tampulan din ng pang-aasar na sinasabing bulag o pusa.
Ayon kay Dr. Lorenzo Vera Cruz, ang pagkakaroon ng kulay asul na mga mata ng magkakamag-anak ay bunga ng kanilang genes o nasa lahi.
Ang kondisyon daw na ito ay tinatawag na heterochromia iridis. May kinalaman daw ito sa kakulangan ng pigment na melanin kaya nagiging asul ang kulay ng mata.
Bagaman maayos naman daw ang paningin ng magkakamag-anak, makabubuti rin umano kung ipasusuri pa rin sila sa ibang espeyalista para alamin kung mayroon silang tinatawag na waardenburg syndrome at maaaring makaapekto sa pandinig. --FRJ, GMA Integrated News