Kinagigiliwan ngayon ng netizens ang isang pusa sa Amerika na madalas napagkakamalang aso dahil kasinglaki niya ang isang siyam na taong gulang na bata.
Sa ulat ng GMA News Feed, sinabing anim na taong gulang na ang pusang si Finn, na tila isang tipikal na pusa lamang kung titingnan sa kaniyang mga video.
Pero ayon sa amo ni Finn na si Natalie Bowman, nasa 1.3 metro o apat na talampakan at tatlong pulgada ang haba ni Finn.
Si Finn ay isang Maine coon, na pinakamalaking domestic cat breed.
Tatlong buwang gulang pa lamang si Finn noon nang alagaan ni Natalie.
Hindi man agad nag-click ang mag-amo sa umpisa, halos hindi na sila mapaghiwalay ngayon.
Umaabot na ngayon ng nasa $150 o katumbas ng mahigit P8,000 kada buwan ang gastos sa pagkain ni Finn.
Sa sobrang laki ni Finn, madalas itong mapagkamalang aso o isang mabangis na pusa.
“It’s really funny, they think he’s a dog, and then when they get closer they say, ‘Oh my God, it’s a cat,’ and they love him,” sabi ni Bowman.
“I’ve had service people come around to fix things, it’s always fun to see grown men get shocked by my cat, they often say he looks like a bobcat or a wildcat,” dagdag ni Bowman.
Gayunman, gentle giant at napakamalambing ni Finn, at maayos itong makitungo sa ibang pusa.
Charming din si Finn kaya tila naging local celebrity na siya sa kanilang lugar at nakilala na rin sa TikTok.
“Finn is really docile and curious, he is so funny and is very needy and affectionate, he loves cuddles and to be spooned. He is a very sociable cat and he loves to talk, he’s very loud,” sabi ni Bowman. —LBG, GMA Integrated News