Good job ang isang aso nang mapatakbo niya ang dalawang kawatan na pumasok sa bahay ng kaniyang mga among natutulog sa Davao City.
Sa video na mapapanood sa GMA News Feed, makikita sa kuha ng CCTV sa Barangay General Malvar 7-A sa Davao City, ang isang lalaki na tila naghahanap ng bahay na papasukin.
Maya-maya lang, umalis ang lalaki at pagbalik ay may kasamang isa pa.
Sandali silang nawala sa kuha ng CCTV pero hindi nagtagal ay nakita na silang kumakaripas ng takbo upang tumakas.
Nakita naman sa kuha ng CCTV sa loob ng pinasok nilang bahay, na naghahanap na ng makukulimbat ang dalawa sa sala.
Pero dumating ang bantay ng bahay na isang malaking aso kaya napakaripas ng takbo ang mga kawatan.
Sa pagmamadali ng dalawa, naiwan ng isang kawatan ang kaniyang tsinelas.
Kuwento ng may-ari ng bahay na si Noel John Cachuela Ravelo, nangyari ang insidente noong gabi ng July 24.
Naiwanan daw nilang hindi naka-lock ang pinto ng bahay kaya nakapasok ang mga kawatan.
Mabuti na lang daw at nasa sala noon ang kanilang aso.
Wala natangay ang mga kawatan at nai-report na nila sa pulisya ang nangyari.
Nais din nilang mabigyan ng babala ang mga residente tungkol sa gumagalang kawatan sa kanilang lugar.--FRJ, GMA News