Bukod sa COVID-19, problema rin ng Singapore ngayon ang mataas na kaso sa kanila ng dengue na magmumula sa lamok na aedes aegypti. Ang ipanglalaban nila sa dengue, lamok din na "armado" ng Wolbachia bacteria.
Sa ulat ng Reuters, ipinakita ang pagpapakawala ng mga lalaking lamok na may taglay ng special bacteria na Wolbachia para hanapin ang mga babaeng lamok na nagtataglay ng dengue virus.
Ang mga lamok na may taglay ng Wolbachia ay produkto ng matagal na pag-aaral upang hanapan ng lunas ang problema sa dengue.
Ang taktika, hahanapin ng mga lalaking lamok na may Wolbachia bacteria ang mga babaeng lamok na may dengue para buntisin.
"When a male mosquito mates with a female in the field, they are not compatible. So the eggs that are laid by the female are not viable, they don't hatch," ayon kay principal investigator Ng Lee Ching.
Dahil dito, mababawasan nang mababawasan ang populasyon ng mga lamok na may dengue virus, maging ang mga nagdudulot umano ng Zika, Yellow Fever.
Ngayong taon, umabot na umano sa 26,000 ang dengue cases sa Singapore, mas mataas sa 22,000 na naitala sa katulad na panahon noong 2013.
Ang naturang taktika ng pagpapakawala ng lamok na may special bacteria ay naging matagumpay din sa Northern Queensland sa Autralia.
Pero may nagdududa kung magiging matagumpay ito sa Singapore na isang densely urbanised na lugar.
"Because you've got to flood the island with these mosquitoes, and people get annoyed when they see a mosquito. You know, you tell them this is sterile male mosquito, they're not going to be able to tell the difference, they're not going to grab the mosquito and examine and see whether it's a male or female," ayon kay Paul Tambyah, president-elect of the International Society of Infectious Diseases.
"So they're going to swat them away, and that kind of defeats the purpose of your project. So it is a bit challenging to see how it's going to work in Singapore," patuloy niya.--Reuters/FRJ, GMA News