Unang inakala na 100 o 200 taon na ang nakalilipas nang mamatay ang naka-preserve na "tuta" na nakita sa Siberia. Pero nang isalang sa radiocarbon analysis ang labi nito, lumilitaw na 18,000 taon na ang bangkay ng hindi pa malinaw kung aso o lobo.
Sa ulat ng Reuters, tinatayang dalawang buwan gulang ang tuta nang pumanaw. Makikita ang well-preserve na bangkay ng hayop sa prehistoric puppy sa mammoth museum sa Yakutsk, Russia.
Napreserba ang balat nito, ngipin, balahibo at maging ang pilik-mata.
"The permafrost conditions are such that this puppy could have died 100 or 200 years ago. But the radiocarbon analysis conducted in a Stockholm laboratory showed that the puppy died 18,000 years ago," ayon kay Sergei Fyodorov, namamahala sa mammoth museum.
Pero malaking katanungan pa sa ngayon kung ang naturang "tuta" ay isang karaniwang aso, o isang lobo o wolf.
Ayon sa mga dalubhasa, kailangan pang magsagawa ng karagdagang pag-aaral sa naturang hayop na pinangalang "Dogor."--Reuters/FRJ, GMA News