Ipinagtaka umano ng security personnel sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nang may makapang matigas na bagay malapit sa maselang bahagi ng katawan ng isang Canadian na patungo sanang Australia. Nang suriin, nakita sa kaniya ang bote ng paminta.

Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Huwebes, sinabing nasa Gate 107 sa Terminal 3 ng NAIA nang isailalim sa "redundancy check" ang dayuhang si Garry Gentles.

Ang "redundancy check" ay isang airline procedure para sa mga pasaherong papuntang Amerika at Australia.

Nagtaka umano ang security personnel nang kapkapan si Gentles sa maselang bahagi ng katawan ay may matigas na bagay na nahawakan.

Nang alamin kung ano ang matigas na bagay, doon na umano nakita na bote ng paminta na pinaglagyan ng dahon ng marijuana.

Dahil dito, ipinaubaya na si Gentles sa Inter-Agency Task Group sa NAIA sa pangunguna ng Philippine Drug Enforcement Agency.

Nakumpirma rin sa pagsusuri na high-end marijuana ang dala-dala ni Gentles.

Ayon kay Gentles, ginagamit niya ang marijuana bilang "gamot" sa kaniyang medical condition na attention deficit hyperactivity disorder.

Gayunman, aminado siyang wala siyang dalang prescriptions para dito.

"No, but I need it. That's why I'm taking it," sabi niya sa ulat.

Mula sa Canada, pumuntang Maynila ang dayuhan at namalagi nang apat na araw. Bibiyahe na sana siya patungong Australia nang masakote sa airport.

Tinatayang nasa 16 na gramo ang timbang ng high grade marijuana na nakuha sa kaniya na tinatayang may street value na P24,000. -- FRJ, GMA News