Ilang prutas ang iniiwasan ng mga tao dahil sa inaakalang nagtataglay ng lason ang maaari palang kainin at masustansiya pa. Gayunman, may mga dapat tandaan tungkol sa mga prutas na ito. Alamin kung ano.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” unang itinampok ang prutas na Stinking Passion Flower o “Utot-utot” kung tawagin sa Visayas dahil sa amoy nitong hindi kaaya-aya.

Ngunit sa ilang tubong Zamboanga, tunog banal naman ang bansag nila rito na kung tawagin ay Santo Papa, dahil kahawig umano ito ng tiara na isinusuot ng Santo Papa.

Kasinglaki lang ito ng kalamansi, at kulay dilaw at kahel kung hinog. Makinis din ang balat nito na tila napalilibutan ng malabalahibong pugad.

Ayon sa botanist na si Jayson Mansibang, nagsisilbi itong armor para maprotektahan ang prutas.

Si Fe Sabremonte na taga-Zamboanga, na nagrenta ng farm sa Cavite, nagulat na iilan lang ang nangangahas kumain ng Santo Papa, dahil sa paniniwalang may lason ito.

“Mga ganito, kinakain na ng ibon. Nakita ko rito, kumuha talaga ako, kinakain ko kasi alam kong pagkain. Sabi ng asawa ko, ‘Bakit ka kumakain niyan, lason ‘yan?’ Sabi ko ‘Hindi, pagkain ‘yan, kasi matagal na akong kumakain niyan. Kung lason ‘yan, matagal na ako namatay,” sabi ni Sabremonte.

Sinabi ni Mansibang na tunay na may taglay na nakalalasong kemikal ang Santo Papa na cyanide kapag ito'y hilaw o green pa.

Ngunit kapag nahinog naman o dilaw na dilaw na ang kulay nito at malambot na ang loob, edible o maaari na itong kainin.

Samantala, ang prutas naman na kung tawagin ng mga Bulakenyo ay Tibig, mukhang bayabas ngunit sinlaki ng kiyat-kiyat at kumpol-kumpol ang mga bunga. May berde, pula at kahel ang prutas na ito.

Nagmula ito sa salitang “tubig,” dahil tumutubo ang mga puno nito malapit sa may tubig.

Noong panahunan ng mga Kastila, nagkalat ang mga puno ng Tibig sa mga ilog at sapa sa bahaging ng Bulakan, Bulacan, kaya dito na isinunod ang pangalan ng kanilang lugar.

Gayunman, iniwasan ng mga residente na kagatin ang bunga nito.

“Sa aming mga bagong henerasyon ngayon, may lason nga raw po ito ang kuwento sa amin,” sabi ni Jose Michael Carpio, kagawad ng Barangay Tibig.

Ngunit sa isang dalawang ektaryang farm sa Tayabas, Quezon, paborito nina Ben Francia at ng kaniyang mga tauhan ang mga bunga ng tibig.

Ang hinog na tibig, matamis, may kaunting crunch ang balat at mas malambot ang loob nito.

Binabalewala nila noon ang mga puno ng tibig, ngunit nagsagawa si Francia ng research at natuklasang maraming benepisyo ang puno.

“Hindi lang sa wood, marami pang ibang value ang puno. Aside from helping in conserving water, it contributes to biodiversity. 'Pag kinain siya ng paniki, kumakalat na 'yung seeds niya. Dumami na sila,” sabi ni Francia.

Ibinibenta niya rin online ang mga naani niyang tibig sa kaniyang farm.

Pero paliwanag ni Mansibang, mayroong babaeng fig [tibig] at may lalaking fig. At ang babaeng fig lang ang puwedeng kainin.

“Once na nahinog na, 'yung fig, 'yung mismong bunga, nagiging mas edible na siya. Pero we have to be careful. May babaeng fig at may lalaking fig. Ang puwede lang kainin ay 'yung babaeng fig. Kapag hinog na siya, malambot. Kapag juicy 'yung loob, tapos buo 'yung development ng mga seeds, matamis ‘yun. Kapag male siya, dry, matabang siya,” sabi ni Mansibang.

Kapag nalalasing naman ang mga taga-Balete, Aklan, pangtanggal hangover nila ang isang maliit pero napakalutong na prutas na kung tawagin ay Pipinong Gubat. Tila pipino ito pero singliit lang ng aratiles.

Nadiskubre ni Maria Mae Andrade na puwedeng pangtanggal hangover ng Pipinong Gubat.

Gayunman, iniiwasan din ito ng mga tao na kainin dahil inakalang may lason.

Ngunit natuklasan na masarap ito at puwedeng gawing ensalada at malutong pa.
Paalala rin ni Mansibang sa pagkain ng Pipinong Gubat, dapat itong lantakan habang hilaw o kulay berde pa at malutong.
"Kapag nag-dark green o dark purple sa iba, yung malambot na malambot na puwedeng tirisin siya naman ay [magiging] laxative, magtatae ka kapag nakakain ka in a certain amount," babala niya. -- FRJ, GMA Integrated News