Sinabi ni Senador Cynthia Villar nitong Miyerkules na hindi siya interesado na maging Speaker sa Kamara de Representantes kapag nanalo siyang kongresista ng Las Piñas City sa Eleksyon 2025.

“I just want to live a simple and productive life. Wala na ako masyadong ambisyon,” ani Villar sa Manila Bay forum.

Huling termino na ni Cynthia bilang senador at ang anak niyang si Camille ang tumatakbong senador sa darating na halalan. Kandidato naman ang nakatatandang Villar bilang kongresista ng Las Piñas na posisyon ngayon ng kaniyang anak.

Sakaling manalo si Camille na senador, makakasama niya sa Senado ang kaniyang kapatid na si Mark Villar na mayroon pang nalalabing tatlong taon sa kanilang anim na taon termino sa naturang posisyon.

Ang iba pang magkapatid na magkasabay na nasa Senado ay sina Alan at Pia Cayetano (re-electionist), at sina Jinggoy Estrada at JV Ejercito.

Posible ring makasama ni Sen. Raffy Tulfo sa Senado ang kaniyang mga kapatid na sina Erwin at Ben, na pareho ring tumatakbong senador sa Eleksyon 2025.

Tungkol sa usapin ng dynastiya sa pulitika o paghawak ng magkakaanak sa mga halal na posisyon, sinabi ni Cynthia na hindi ito dapat maging usapin kung maganda naman ang ipinakikitang trabaho ng pamilya.

“There’s nothing wrong with dynasty who will serve the people. Masama ‘ yung dynasty na niloloko ang mga tao. Hindi ba mas maganda if your family likes to serve the people, then you’re serving the people well and you’re honest, hardworking, and there’s nothing wrong with that,” paliwanag ng outgoing senator.

Iginiit din ni Cynthia na ang mga tao ang boboto o pipili kung sino ang nais nilang maupo sa posisyon na kanilang tinatakbuhan, at hindi sila basta itinatalaga lamang.

“When you talk of dynasty, they get elected. They’re not appointed. So if you don’t like for dynasty, then don’t vote for them ‘di ba? They do not force themselves, they campaign, they get elected,” sabi ni  Cynthia, na asawa ni dating Senate President Manny Villar.

“If ayaw ng tao e ‘di talo. Kung gusto ng tao at nanalo, okay din ‘yun. I don’t think it’s an issue. Baka nga issue pa kung you are not able to do the job, ‘yung capacity mo to do the job well that will be an issue also,” dagdag niya.

Gaya ni Mark na dating kalihim ng Department of Public Works and Highways bago naging senador, sinabi ni Cynthia na may kakayahan din si Camille para ihahalal sa mas mataas na posisyon.

Nagtapos si Camille sa kursong Bachelor of Science in Management mula sa Ateneo de Manila University at kumuha ng masters degree mula sa IESE Business School sa Europe. Hinirang din siyang Deputy Speaker sa Kamara ngayon.

“I think, my daughter will be able to good job there, just give her a chance… I think, Camille will do that, encourage the young people to be better because she is the youngest. I think, she can do the job well and I think it’s a matter of knowing who will do the job well,” ayon sa senadora. — mula sa ulat ni Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News