Pinayagan ng isang korte sa India ang isang babae na idiborsiyo ang kaniyang mister sa dahilang hindi siya ginawan ng banyo sa loob ng limang taon nilang pagsasama kaya napipilitan siyang dumumi sa labas ng bahay.

Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabing inayunan ng family court sa Rajasthan ang posisyon ng babae na nagrereklamo na nakaranas siya ng kalupitan sa kanilang pagsasamang mag-asawa dahil sa kawalan nila ng banyo.

Ayon kay Justice Rajendra Kumar Sharma, madalas nakakaranas ng sakit ang mga babae sa mga kanayunan sa India dahil kailangan pa nilang maghintay na dumilim para matugunan ang "tawag ng kalikasan."

Sinabi ng abogado ng babae, na itinuring ng hukom na ang pagdumi sa labas ay malaking problemang pangkalusugan sa India, isang uri ng pagpapahirap, at nagdudulot ng kahihiyan sa kababaihan.

Pinahihintulutan lamang ang diborsiyo sa India kung ang may katibayan tulad ng undue financial demands, pagmamalupit  at  karahasan.

Hindi ito ang unang pagkakataon na pinawalang bisa ng korte ang isang kasal dahil sa kawalan ng banyo.

Noong nakaraang taon, tumanggi ang isang babae sa Uttar Pradesh na magpakasal sa kaniyang fiancé dahil ayaw ng lalaki na magpagawa ng banyo para sa kanila.

Nito Hunyo, isang babae naman ang hindi na bumalik sa bahay ng kanyang mga biyenan hangga't hindi sila nakakapagpagawa ng banyo.

Ayon sa UNICEF, halos kalahati ng populasyon ng India o katumbas 600 milyong tao, ang dumudumi na lang sa labas ng bahay.

Gayunman, kahit 70 porsiyento ng mga kabahayan sa India ay walang banyo, 90 porsiyento naman sa kanila ang may mobile phone.

Ipinangako ni Prime Minister Narendra Modi na magpapagawa ang India ng mga palikuran sa bawat tahanan sa 2019 para matigil ang pagdumi ng mga tao sa labas.

Ngunit maliban sa usapin ng kahirapan, sinabi ng eksperto na ang problema sa pagdumi ng tao sa labas ng bahay ay bunga na rin ng paniniwala na hindi malinis kung may banyo sa loob ng bahay. --AFP/JSantos/FRJ, GMA News