Isang grupo o herd ng mga elepante ang sinalpok ng isang tren sa Habarana, Sri Lanka. Nadiskaril ang tren habang anim na elepante ang namatay.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Biyernes, sinabing wala namang nasaktan na mga pasahero sa nadiskaril na tren, na nawala sa riles ang mga gulong.
Isa sa mga nasawing elepante ay bata. Dalawa pang elepante ang nasugatan sa insidente.
Sinabi ng pulisya na bumibiyahe ang tren sa isang wildlife reserve nang masalpok nito ang mga elepanteng tumatawid.
Itinuturing ito na pinakamalalang wildlife accident sa Sri Lanka.
Wala pang linaw kung may pananagutan ang driver ng tren sa nangyari sa mga hayop.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News