Nananawagan ng hustisya ang mag-asawang Filipino sa Kuwait matapos mamatay ang pitong-taong-gulang nilang anak na babae matapos kumain ng fried chicken na inorder nila online. Ang biktima, posibleng napabayaan pa raw sa ospital na pinagdalhan.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News Unang Balita nitong Martes, sinabing nasawi ang biktimang si Zara Louise Lano noong Marso 21, isang araw matapos nilang kainin ang fried chicken na inorder nila via online sa isang fast food chain.
"Habang kumakain kami, nagko-complain ako sa kanila, sabi ko parang hindi na maganda kasi yung chicken. Parang masyado nang oily, parang ininit na lang," sabi ni Faye Lano, ina ng bata.
Bagaman itinigil nila ang pagkain ng manok, halos sabay-sabay daw sumama ang kanilang pakiramdam noong madaling araw ng March 20 kaya dinala sila sa ospital.
Nakalabas kaagad ng ospital pagkaraan ng ilang oras sina Zara at Faye, habang na-confine naman si Dax, ang ama, panganay na anak nilang si Sigfried.
"Okay yung X-ray nila, okay yung vitals nila, nag-decide po yung ospital na i-discharge sila," sabi ni Dax, patungkol kina Zara at Faye.
Ngunit kinagabihan nang araw din iyon, bumalik sa ospital sina Zara at Faye nang magtae at mahilo muli. Dinala si Faye sa intensive care unit pero si Zara, idineklarang dead on arrival.
Sa death certificate ni Zara, nakasaad na "acute failure of blood circulation and respiration and septic shock" ang dahilan ng kaniyang pagpanaw.
Naiuwi na sa Pilipinas ang mga labi ni Zara, at isinailalim sa re-autopsy. Inilibing siya sa San Jose del Monte, Bulacan.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin nila nakukuha ang resulta ng awtopsiya kay Zara na ginawa ng mga awtoridad sa Kuwait.
Kapag napatunyang food poisoning ang dahilan ng pagpanaw ni Zara, sinabi ng pamilya na maghahain sila ng kaso laban sa fast food chain. Magsasampa rin sila ng kaso laban sa ospital dahil naniniwala sila na nagkamali sa pagsusuri sa kalagayan nila ng kanilang anak.
Wala pang pahayag ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa naturang insidente.--FRJ, GMA News