Masakit ba ang leeg o ang katawan mo pagkagising? Baka naman mali ang posisyon mo sa pagtulog. Ano nga ba ang tamang posisyon kapag humilata na sa kama? Alamin.
Sa programang "Pinoy MD," ibinahagi ni Carla Jane Almojera, na madalas niyang iniinda ang pananakit ng leeg pagkagising.
Hindi rin daw siya kaagad nakatutulog dahil hindi niya kaagad makuha ang komportableng posisyon sa higaan.
At dahil madalas na patagilid siyang nakakatulog, ang resulta, may stiff neck siya pagkagising.
Ayon kay Dr. Hubert Co, physical medicine and rehabilitation specialist, may kaniya-kaniya talagang posisyon na hinahanap kapag natutulog.
Pero batay sa isang pag-aaral umano noong 2015, mas masarap o komportable ang tulog ng mga tao na kaunti ang galaw kapag nakahiga na.
"Kaya tayo palipat-lipat ng puwesto kapag natutulog, we are actually trying to find the most comfortable position," saad niya.
At hindi raw lahat ng posisyon sa pagtulog ay mabuti. Katulad ng fetal position o nakabaluktot na nakakaapekto sa muscle.
Ideally, ayon kay Co, hindi dapat nakabaluktot ang spine kapag natutulog.
"Ang mangyayari diyan, habang natutulog ka nag-o-over compensate yung mga muscle natin. Kaya paggising mo parang ngalay na ngalay o pagod na pagod ang feeling," paliwanag niya.
Samantala, nagdudulot din ng stress sa leeg at lower back ang posisyon na nakadapa kapag natulog.
Gayunman, makabuti umano ang pagtulog nang nakadapa para sa mga nakararanas ng acute respiratory distress syndrome o yung mga hirap sa paghinga.
Hindi rin para sa lahat ang posisyon na lateral o side-lying o patagilid. Depende raw ang posisyon na ito sa medical condition ng isang tao.
Ayon kay Co, pagtulog nang patagilid ay ideal sa may congestive heart failure at maging sa mga buntis na nasa third trimester na ang tiyan.
Pero ano nga ba ang pinaka-ideal na posisyon kapag natulog?
Ayon kay Co, ito ay ang posisyon na supine, o nakatihaya at pa-diretso.
Sa ganitong posisyon, mas relax daw ang muscles at naililipat sa higaan o kutson ang bigat ng katawan.
Ngunit maliban sa posisyon sa paghiga, may epekto rin daw sa kalidad ng pagtulog ang ginagamit nating unan. Hanggang gaano nga ba kataas ang unan na dapat gamitin sa pagtulog? Alamin 'yan sa buong pagtalakay sa video ng "Pinoy MD." --FRJ/KG, GMA Interated News