Sanggol pa lang nang nakawin at ibenta umano sa ibang pamilya sa China si Jiaxing. Nang magbinata, nagtungo siya sa Pilipinas para magtrabaho. At pagkaraan ng 30 taon, nahanap na niya ang kaniyang mga tunay na magulang at kapatid na handa siyang suportahan kung nais niyang manatili sa China. Pero si Jiaxing, mas gusto pa rin na manirahan pa rin sa Pilipinas. 

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ibinahagi ni Jiaxing ang nakaaantig niyang kuwento tungkol sa paghahanap niya sa kaniyang tunay na mga magulang.

Sanggol lang daw noon si Jiaxing nang dukutin siya at ibenta sa isang pamilya sa Fujian, China. Nang magbinata, nakarating siya sa Pilipinas para maghanap ng trabaho.

Namasukan siya noon sa isang department store sa Davao hanggang sa umasenso at magkaroon ng sariling negosyo. Kinalaunan, nagkaroon siya ng asawa na Pinay, at nagkaroon ng dalawang anak.

Aminado si Jiaxing na naapektuhan siya kapag nakakapanood ng mga episode sa "KMJS" tungkol sa pamilya na nagkawalay at muling nagkakatagpo kahit maraming taon ang lumipas.

Hanggang noong 2018, natuklasan ni Jiaxing na mayroong isang center sa China na maaaring makapagbigay ng impormasyon tungkol sa paghahanap ng mga kamag-anak sa pamamagitan ng pagpapadala ng blood sample.

Kaya naman nagbakasakali siya at nagpadala ng kaniyang blood sample nang may kaibigan siyang umuwi ng China.

Pero inabot pa ng tatlong taon nang may isang pulis na lalaki ang kumontak sa kaniya at nagpakilalang kapatid niya ito.

Noong una, nagduda umano si Jiaxin na baka isa itong scam. Pero nagbigay umano ng pangalan ang pulis at iba pang impormasyon--si Wang Gang.

Hinikayat siyang magpadala ng sample na puwedeng gamitin sa DNA test. Bagay na kaniya namang ginawa. At ang resulta, 99.9% na match sila.

Kaya naman lumipad pa-China si Jiaxing kasama ang kaniyang Pinay na asawa na si Sheena at dalawa nilang anak upang makita ang tunay niyang mga magulang at mga kapatid.

Laking gulat nina Jiaxing nang dumating sila sa Zunyi City sa Guizhou, China, na marami ang naghihintay at sumalubong sa kanila. Parang fiesta rin ang sitwasyon sa kanilang lugar.

"Umiyak na agad ang mama ko tapos [ni-hug] niya kaagad ako. Tapos nagulat ako, wala na akong reaksyon," ani Jiaxing.

"Sabi niya, 'Anak, sorry talaga. Hindi ko sinasadya. Malaki ang kasalanan ko. Pasensya ka na'," patuloy niya. "Tapos sabi ko, 'Okay lang, ma. Okay lang, tapos na 'yun. Huwag mo na isipin kasi andito na ako'."

Nalaman ni Jiaxing na naging madalas ang pag-aaway ng kaniyang mga magulang mula nang mawala siya. Lagi umanong sinisisi ng kaniyang ama ang kaniyang ina sa nangyari.

Masayang-masaya naman si Sheena para sa kaniyang asawa, "Deserve po niya 'yan kasi napakabuting tao niya po."

"Sinagot na ng Panginoon 'yung panalangin niya na maging buo ang pagkatao niya," dagdag ni Sheena.

Para kay Jiaxing, nakompleto na ang kaniyang buhay, "Wala nang kulang sa buhay ko. Masaya rin ako. Parang gusto ko na mag-enjoy na lang kasama ng family."

Ayon kay Jiaxing, inalok siya ng kaniyang mga kapatid na tutulungan siya na magsimula sa China  kung gusto niyang manatili roon.

"Sabi ko, 'Okey lang naman akong mag-stay dito [sa China] pero short time lang. Kasi mayroon din akong bahay sa Philippines kasi doon ako nag-start," kuwento niya. "Doon kami nagkita ng asawa ko and doon din kami nagkaanak, friends din."

Sabi pa ni Jiaxing, "Mas sanay talaga ako sa Philippines. Yung mga pagkain, mga style, mga ugali. So parang Chinese ang mukha [ko] pero ang puso ko Pinoy."

—FRJ, GMA Integrated News