Kasabay ng paghingi ng tawad si Jam Ignacio sa kaniyang fiancée na si Jellie Aw na nag-akusa sa kaniya ng pananakit, hiniling din ng negosyante na magkaayos sana sila ng kasintahan at ituloy ang pangarap nilang bumuo ng pamilya. Pero ang vlogger at disc jockey, nagdesisyon na huwag nang ituloy ang plano nilang kasal.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabing magkahiway na pumunta sina Jam at Jellie sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) para magbigay ng kanilang mga pahayag.
Humarap si Jam sa NBI kaugnay sa reklamong inihain laban sa kaniya ni Jellie dahil umano sa ginawa niyang pananakit.
Ipinaliwanag ni NBI Director Atty. Jimmy Santiago, na hindi nila inaresto si Jam dahil ilang araw na ang lumipas mula nang mangyari ang insidente at hindi na maaaring umiral ang warrantless arrest.
“Matagal nang nangyari ang kaso, 'di na appropriate for warrantless arrest. Hindi ko siya aarestuhin but then dapat malaman niya na yung crime na na-commit niya ay public crime. We have to file it in the prosecutor’s office, bahala na ang piskal paano titimbangin ang ebidensiyang aming isasampa,” ayon kay Santiago.
“Kung magkakasundo man sila ni Jellie, wala na kami doon, sa piskal na sila mag-usap,” dagdag niya.
Kung kakatigan ng piskalya ang reklamo ni Jellie, maaaring maglabas ng arrest warrant ang piskal laban kay Jam, at maaaring magtakda kung papayagan siyang maglagak ng piyansa para sa pansamantala niyang kalayaan.
Samantala, sinabi ni Jellie na napatawad na niya si Jam pero hindi na raw niya itutuloy ang planong pagpapakasal sa negosyante.
“Noong una pa lang po napatawad ko na si jam pero tutuloy ko pa rin yung kaso,” saad ni Jellie.
Sa exclusive interview ng GMA Integrated News, sinabi ni Jellie na hindi rin katanggap-tanggap ang naging pahayag ni Jam tungkol sa ibinigay nitong dahilan kaya siya sinaktan.
“Hindi puwede yung napuno lang siya e. Paano kung pinagbigyan ko siya ng second chance, kapag napuno siya ulit sa akin, gagawin niya ulit yun. Mas grabe pa,” ani Jellie sa kabila ng pangako ni Jam na hindi na mauulit ang nangyari.
Sa naunang panayam kay Jam, umaasa siya na mapapatawad siya ni Jellie at itutuloy nila ang pangarap nilang bumuo ng sarili nilang pamilya.
Ngunit sabi ni Jellie, “Wala nang kasal na magaganap, 'di na matutuloy ang mga napag-usapan po namin."
"Respeto na lang sa magulang ko kasi sobrang na-trauma din ang mama ko, gabi gabi siya umiiyak, 'di ko kaya, siya [ina] na lang ang natitira sa akin,” dagdag niya. -- FRJ, GMA Integrated News