Inilahad ni Joeffrey Mambucon, ang kauna-unahang Tigwahon-Manobo Lumad na magkaroon ng degree sa nursing at medicine, na ang kaniyang mga katutubo ang kaniyang inspirasyon para maging isang duktor.
Sa panayam sa kaniya sa "Mars Pa More," pinasalamatan ni Mambucon ang kaniyang mga guro sa elementarya sa paggabay sa kaniya at magmalasakit sa kaniyang tribo.
"Nagpapasalamat po ako sa teachers ko noon, na sila po talaga 'yung unang nag-inspire sa akin. Sinabihan nila ako na, 'Joeff alam mo kung gagalingan mo sa pag-aaral mo, puwede kang maging teacher at maturuan mo 'yung mga katribo mo," sabi niya.
Ngunit nang ipadala na siya sa Davao ng isang Christian missionary para mag-aral, doon na siya nahikayat na maging nurse para mapagsilbihan ang kalusugan ng kaniyang mga tribo.
Kaya 2010 nang pumasa siya sa board exam sa pagiging nurse at nagtrabaho sa ospital para sa kaniyang Tigwahon-Manobo tribe ng limang taon.
"'Pag na-ospital po sila, na-o-observe ng doktor, 'pag ine-explain 'yung gamot mas naiintindihan nila, masayang masaya po sila 'pag na-discharge ko na, na gamit ko po 'yung salita namin," kuwento niya.
Dito na hinikayat si Mambucon ng kaniyang mga kasamahan na maging isang doktor.
"'Pag aalis kami dito at magre-residency, galing pa kami sa Davao, galing kami sa Cagayan de Oro, hindi kami taga-dito. Tao mo ito Joeff eh, pasyente mo ito eh, sino mag-aalaga sa kanila?' Ito po talaga 'yung nag-strike sa puso ko na ipagpatuloy ko 'yung calling na ito," patuloy ni Mambucon.
Nitong Hunyo 30, nagtapos na si Mambucon ng medisina sa De La Salle Medical and Health Sciences Institute.
Tinulungan din si Mambucon ng "Eat Bulaga" na makakuha ng licensure exam sa kanilang “New Normal EBest Scholar.”
-- Jamil Santos/FRJ, GMA News