Nasawi ang dalawang Russian diver na nag-scuba diving sa bahagi ng Pulang Bato sa Verde Island sa Batangas City.

Ang isa sa kanila, posibleng inatake ng pating.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, sinabing lumabas sa imbestigasyon ng Coast Guard - Batangas na nagda-diving ang apat na Russian divers nang magkahiwa-hiwalay sila dahil sa biglang paglakas ng agos ng tubig.

Kalaunan, nakaahon ang dalawa sa kanila ngunit hindi na nakaahon ang dalawa nilang kasamahan.

Hanggang sa makita ang isang Russian diver at dinala pa siya sa ospital, ngunit idineklarang dead on arrival.

Makaraan ang ilang oras, natagpuang ang isa pa nilang kasamahan ngunit wala na itong buhay.

Putol ang kaniyang kanang kamay matapos umanong atakihin ng pating, ayon sa Coast Guard.

--Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News