Tumalon mula second floor ng bahay ang isang babaeng Chinese para makatakas sa mga kidnappers na kapwa niya Chinese sa Laguna.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, nakunan sa CCTV footage ang pagmamakaawa ng biktima nang makita ng mga residente sa isang subdivision sa Santa Rosa City.
Sa pagtalon niya, sumabit pa ang babae sa mga matulis na bakal sa bakod. Agad naman siyang tinulungan ng mga residente at binigyan ng pantakip sa hubot hubad na katawan.
Mabilis na tumakas ang dalawang dumukot umano sa babae pero hindi rin nakalabas ng subdivision dahil naharang na sila ng security guard sa lugar.
“Parang sinasaktan siya ng dalawang Chinese nakita po namin biglang tumakas yung dalawa,” kuwento ng isang residente.
Napag-alaman na May 29 nang dinukot ng dalawang naarestong suspek ang biktima sa parking area ng Paranaque Integrated Terminal Exchange (PITX) at dinala ang biktima sa kanilang inupahang bahay sa Santa Rosa.
Habang bihag, ginawan umano ng kahalayan ang biktima at nakuhanan din umano siya ng pera ng mga suspek.
Humingi raw ng ransom na katumbas ng P10 milyon ang mga suspek sa mga kaibigan at kaanak ng biktima sa China.
“Base sa rebelasyon ng biktima, yung kaniyang foreign account na maraming laman na transfer sa bank account ng mga suspek,” ani Santa Rosa City Police Station Police Lieutenant Colonel Dwight Fonte Jr.
Sasampahan ng reklamong kidnapping, rape, robbery at illegal possession of firearms ang dalawang suspek.--Sherylin Untalan/FRJ, GMA Integrated News