Isang 18-anyos na babae ang nasawi sa tama ng bala at nakita sa loob ng isang kotseng inabandona sa General Santos City. Ang kotse, iniwan umano ng driver na pakay ng buy-bust operation at naka-hit and run ng motorsiklo.

Sa ulat ng GMA Regional TV News, sinabing nangyari ang insidente nitong Martes ng gabi nang makita ang inabandonang kotse sa Mabuhay Road sa Barangay City Heights.

Wala sa kotse ang driver nito at naiwan sa loob ang babaeng sugatan na kinalaunan ay binawian ng buhay sa pagamutan.

Kinilala ng mga awtoridad ang babae na si Kyla Jane Serafin, habang ang nakatakas na driver ay si Jose Francisco Villaruel, na target umano ng buy-bust operation.

Ayon sa pulisya, pakay ng buy-bust operation si Villaruel ng mga operatiba ng Regional Police Drug Enforcement Unit (RDEU).

Pero humarurot umano ito nang matunugan na mga pulis ang kaniyang katransakyon. Isang motorsiklo ang nahagip at nakaladkad ng kotse ni Villaruel.

Tinugis umano ng awtoridad si Villaruel hanggang sa makita ang kotse nito sa Barangay City Heights. Pero wala na si Villaruel, at tanging ang pasahero na lang na si Serafin ang nakita sa sasakyan na may tama ng bala.

Dinala sa ospital si Serafin pero binawian din ng buhay.

Nakita rin umano sa loob ng kotse ang ilang sachet na may laman na hinihinalang shabu, cash, isang baril, at iba pang gamit.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad at aalamin din kung bakit nasa loob ng sasakyan si Serafin. --FRJ, GMA Integrated News