Dahil sa maagap na pagkilos ng dalawang 2nd year nursing students sa Cebu City, nailigtas ang buhay ng isang ginang na nagtitinda sa Cebu City na nilaslas ang leeg na kagagawan umano ng nagselos nitong live-in partner.
Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV News nitong Lunes, sinabing pinarangalan ng College of Nursing, University of Cebu, at binigyan ng scholarship ang mga estudyanteng sina Angyl Fayth Ababat at Kristianne Joice Noelle Ona.
Namimili ng gamit para sa kanilang pag-aaral ang dalawa nang laslasin ng suspek ang leeg ng biktimang si Bernadeta Zamora.
Nang makita nina Ababat at Ona ang kalagayan ni Zamora, kaagad silang kumilos para mailigtas ang biktima.
Nadakip naman ng mga awtoridad ang suspek kinalaunan.
Ayon sa anak ni Zamora, nasa maayos nang kalagayan ang kaniyang ina.
Nagpasalamat siya sa mga tumulong sa kaniyang ina.
Pinuri at ipinagmamalaki ni Dean Mercy Milagros Apuhin, ng College of Nursing, University of Cebu, ang ipinamas na kabayanihan ng dalawa nilang estudyante.
Nakatakda ring parangalan ng pulisya at lokal na pamahalaan sina Ababat at Ona.--FRJ, GMA Integrated News