Sugatan ang isang traffic enforcer matapos kuyugin ng apat na lalaking magkakaanak habang tumutupad sa kaniyang tungkulin sa Dagupan City, Pangasinan. Nag-ugat daw ang gulo, nang 'di muna payagan ng biktima ang isa sa mga suspek na tumawid dahil maraming dumadaan na sasakyan.
Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban ng GMA Regional TV “One North Central Luzon” nitong Huwebes, makikita sa CCTV footage ang paglapit ng suspek na si Arnold de Vera sa traffic enforcer na nagmamando noon ng trapiko sa gitna ng kalsada.
Maya-maya pa, pinagsusuntok ni De Vera ang traffic enforcer. Pero nakabawi ang biktima at napatumba nito ang suspek sa kalsada.
Matapos nito, tatlong lalaki pa ang dumating at pinagtulungan na nilang bugbugin ang traffic enforcer.
Nagtamo ng mga sugat ang traffic enforcer, na wala pang pahayag ukol sa insidente dahil kasalukuyan pang nagpapagaling.
Agad naman naaresto ang apat na lalaki, na pawang magkakamag-anak.
“Sa akin sobrang sakit. Kaya tinutukan ko hanggang gabi para makulong lang sila. Ang sa akin para kong anak ang mga ‘yan kasi ako ang head nila,” ayon kay Dagupan City Public and Safety Office (POSO) chief Arvin Decano.
Batay sa imbestigasyon ng awtoridad, bago mangyari ang suntukan, nagpupumilit daw na tumawid sa kalsada si De Vera pero hindi siya pinayagan ng traffic enforcer dahil marami ang dumadaan na sasakyan.
“Nafile-an na sila ng kaso ng Article 148 regarding sa assault in person of authority,” saad ni Dagupan City Police Station deputy chief for administration Police Major Apollo Calimlim.
Aminado ang suspek sa ginawa at humingi siya ng tawad sa traffic enforcer at sa POSO.
Hiniling din niyang 'wag nang idamay sa kaso ang tatlong niyang kamag-anak.
“Humingi na lang po ako ng tawad sa kaniya, kahit ako na lang. Nadamay lang po sila,” sambit ni De Vera. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News