Aabot sa P50,000 halaga ng mga donasyon ang tinangay sa loob ng isang simbahan sa Pagsanjan, Laguna, ayon sa ulat ni Luisito Santos sa Super Radyo dzBB ngayong Linggo.
Batay sa report na nakarating sa Camp Crame mula sa Philippine National Police Police Regional Office IV-A, sinabing nadiskubre ang insidente Sabado ng umaga sa Diocesan Shrine of Our Lady of Guadalupe sa Barangay Poblacion I.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, inakyat ng mga hindi pa nakikilalang mga suspek ang bakod sa likod ng simbahan.
Nang makapasok na ang mga suspek sa loob ng simbahan, winasak nila umano ang pintuan at mga grills sa Parochial Office kung saan tinangay nila ang mga pera at cellphone.
Pagkatapos naman nito, pinasok din ng mga suspek ang altar ng simbahan at winasak ang tabernakulo at tatlong donation boxes at tinangay ang mga laman nito.
Sa ngayon, sinisilip na ng mga awtoridad ang kuha ng CCTV sa loob ng simbahan upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek. —Mel Matthew Doctor/KG, GMA Integrated News