Doble-kayod ang isang criminology student na naglalako ng meryenda at namamasura sa kaniyang paaralan sa Nueva Ecija para matustusan ang pangangailangan ng pamilya at matapos ang kaniyang pag-aaral.
Sa kuwentong “Dapat Alam Mo!” ni Victoria Tulad, sinabing bukod sa bag, bitbit ng 24-anyos na si Mark Jhon Harrie Regondola ng Cabanatuan ang dalawang malalaking basket ng turon at lumpia, isang styro ng ice candy, isang malaking supot ng fish crackers at dalawang galon ng suka, sa pagpasok sa eskuwela.
Matiyagang sinusuyod ni Regondola ang buong campus para may kitain habang nag-aaral pa.
Gayunman, hindi pa rin sapat ang kita ni Regondola kaya pinasok na rin niya ang pamamasura.
Isa na ngayong third year criminology student, inaalala ni Regondola ang kaniyang pamilya, dahil panganay siya sa siyam na magkakapatid.
"Maaga po kaming nawalan ng tatay. Nasa akin na po ang lahat ng responsibilidad ng tatay ko. Hindi po ako naka-graduate ng elementary tsaka high school po," sabi ni Regondola.
Naranasan ding tumira noon sa lansangan ni Regondola.
"Namulat ako sa kahirapan noong seven years old po ako. Natuto na po akong magbanat ng buto. Natutulog ako sa kalye binubuhusan ako ng ihi, tinutusok-tusok ako ng mga kahoy o kaya binubugbog ako," anang binata.
"Na-motivate po akong mag-criminology po para wala pong kabataang makaranas ng gano'n, para malaman nila 'yung mga karapatan nila," dagdag pa ni Regondola.
Scholar din si Regondola, kung saan sagot ng pamantasan ang 75% ng kaniyang matrikula.
Kahit sa gitna ng klase, nagbebenta pa rin si Regondola, na nakapuwesto sa back row katabi ng pinto para makabili pa rin ang ibang kaeskuwela.
Matapos naman ang klase, iisa-isahin ni Regondola ang mga silid para maglako ng meryenda. Sa isang araw, umaabot ng P700 ang kaniyang kinikita, na ipinangtutustos niya sa bahay at pag-aaral.
Dagdag na P100 hanggang P200 naman ang nakukuha ni Regondola sa pagkalkal sa mga basurahan, suot ang plastic para mamulot ng plastic bottles at mga maaari pang pakinabangan.
"Sobrang blessed po kami na si Kuya Mark ang panganay ko, si kuya 'yung kuya nila. Nagpapasalamat po ako na anak ko siya," sabi ni Hazel Regondola, nanay ni Mark. — VBL, GMA News