Inihayag ng pamunuan ng isang paaralan sa Calasiao, Pangasinan na psychological effect sa pagbabalik sa face to face classes at hindi sanib ang dahilan ng komosyon sa ilang estudyante na nangyari sa eskuwelahan kamakailan.
Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "One North Central Luzon," sinabi ni Teody Delos Santos, principal ng Dayong Malabago National High School, na komunsulta sila sa mga propesyunal at spiritual sector kasunod ng nangyaring insidente kung saan nanginig ang katawan ng ilang mag-aaral habang nasa klase.
Hindi rin umano kinansela ang klase dahil sa umano'y insidente.
Batay sa pagsusuri, lumilitaw na mayroon umanong ibang estudyante na nag-a-adjust sa pagbabalik ng face to face classes.
"Kasi sila po yung galing talaga sa walang face to face noon," paliwanag niya.
Sinabi naman ng guro na si Enemer Mendoza, tumawag sila ng pastor at ipinasuri sa duktor ang mga bata at nakitang psychological effect ang lumalabas na dahilan ng insidente.
Tiniyak naman ng paaralan na nagsasagawa sila ng psycho social activity bago ang pagsisimula ng klase upang maihanda ang kaisipan ng mga mag-aaral sa pagbabalik nila sa loob ng silid aralan.--FRJ, GMA News