Tatlumpu't walong bahay at ilang pananim ang nasira sa pananalasa ng buhawi sa Matalam, Cotabato, ayon sa ulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita ng GMA News nitong Martes.
Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, 12 na bahay ang apektado sa Barangay Poblacion and 26 na bahay naman sa Barangay Manubuan.
Naapektuhan ang mga sakahan pati na rin ang mga rubber trees, mango at banana plantation sa lugar.
Umabot umano sa mahigit P1 milyon ang halaga ng mga nasira.
Nagbigay ang lokal na pamahalahaan ng Cotabato ng mga construction materials upang muling makapagpatayo ng bahay ang mga residente.
Koronadal
Samantala, apat naman ang nasira ng rumagasang tubig dulot ng malakas na ulan sa Koronadal, South Cotabato.
Nagkalat ang mga gamit ng mga residente sa Sitio Lower New Leyte sa Barangay Topland.
Apat na pamilya ang apektado at pansamantala silang mananatili sa barangay o sa kaanak.
Ayon sa mga residente, umapaw ang sapa dahil sa malakas na ulan. Tanging ang kanilang motorsiklo at ang mga suot na damit ang kanilang naisalba.
Nabigyan na sila ng food pack at mga relief items ng lokal na pamahalaan.
Nananawagan naman ang mga residente ng tulong o donasyon. —Sherylin Untalan/KG, GMA News