Naagnas na bangkay na nang matagpuan sa isang bangin sa Tagaytay ang tatlong miyembro ng LGBT community na ilang linggo nang nawawala matapos dukutin ng mga armadong lalaki sa Bacoor, Cavite noong Disyembre.
Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, bukod sa tatlong miyembro ng LGBT community ay isang bangkay pa ang nakita sa bangin na hindi pa nakikilala.
Nagsasagawa ng routine maintenance ang ilang tauhan ng Department of Public Works and Highways sa lugar nang maamoy nila ang masangsang na amoy na nagturo muna sa dalawang bangkay.
Nakilala ang dalawang bangkay na sina Lino Kinalenta, alias Nicole, at Mark Ian Edrina, alias Erica, na kabilang sa tatlong LGBT member na nawawala.
Nang magbalik sa lugar ang mga awtoridad, dalawang bangkay pa ang nakita at natukoy ang isa na si Alias RR, na kagawad ng barangay Zapote Uno.
Ayon sa kapatid ni Erica na si Sherly Mae Generelao, noong Disyembre 19 pa nawawala ang kaniyang kapatid matapos kunin ng mga nagpakilalang mga awtoridad.
Walang maisip na dahilan ang pamilya ng tatlo para dukutin ang mga biktima dahil wala raw itong mga kaaway at hindi sangkot sa ilegal na droga.
Nanawagan sila sa mga may nalalaman sa pangyayari na makipagtulungan sa mga awtoridad para mabigyan ng hustisya ang mga biktima.
“Sana naman po kung mayroon pong naka-ano or naka-witness man lang po or naka-ano man lang po na ano, sana po maituro man lang po ‘yung mga gumawa nito kasi hindi naman po dapat ito mangyari sa ano namin kasi mabait na tao naman po ‘yun,” pakiusap ni Generelao.
Kabilang sa mga inaasahan na makatutulong sa paglutas sa krimen ang ilang kabataan na kasamang kinuha ng mga suspek pero pinalaya rin kinalaunan.--FRJ, GMA News