Isang binatilyo ang nasawi matapos siyang hampasin ng kahoy sa batok nang walang anumang dahilan sa Santa, Ilocos Sur. Ang mga salarin, sakay ng motorsiklo.
Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News "Saksi" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Kristan Pancho, na pumanaw dalawang araw matapos siyang isugod sa ospital.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na naglalakad lang ang biktima kasama ang isang kaibigan nang tabihan sila ng tatlong salarin na sakay ng motorsiklo.
Walang anumang dahilan, basta na lang pinalo ng kahoy ang batok ni Pancho, na dahilan para mawalan siya ng malay.
Ang kahoy na ginamit sa krimen, nabitawan at naiwan ng mga salarin sa kanilang pagtakas.
Dalawang araw na-comatose si Pancho bago siya namatay.
Palaisipan sa pamilya ng biktima ang motibo sa krimen.
Hangad nila mabigyan ng hustisya ang sinapit ng biktima.
Hinala ng mga awtoridad, posibleng biktima ng pambu-bully ang binatilyo.
Inaalam na nila ang pagkakakilanlan ng mga salarin.-- FRJ, GMA News