Balik-kulungan sa ikatlong beses ang 39-anyos na lalaking construction worker matapos mahuli sa drug buy-bust operation sa Luzon Avenue, Barangay Old Balara, Quezon City.
Nakuha mula sa suspek ang mahigit sa 55 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P375,000.
Ayon sa pulisya, tatlong barangay ang sakop ng area of operation ng suspek.
“Ang area of operation niya syempre ‘yung mga user na nakatira malapit sa kanya. At the same time 'yung mga karatig barangay tulad ng Brgy. Commonwealth. ‘Yung sa may Luzon Avenue bandang Tandang Sora, sa kanya na rin kumukuha para bentahan ng ilegal na droga,” ani Police Captain Glenn Gonzales, ang deputy station commander ng Batasan Police.
Ang transaksiyon ay karaniwan daw nangyayari sa pagitan ng alas-otso ng gabi hanggang alas-dos ng madaling araw.
“Kumbaga may oras lang siya. Kapag lumagpas na 'yung oras, kahit gaano kalaki, kahit kaliit ‘yung bibilhin sa kanya, kapag lagpas na, hindi na siya nagbebenta,” sabi ni Gonzales.

Aminado ang suspek na tatlong taon na siyang nagbebenta ng droga.
“Inaamin ko naman po, nagbebenta ako ng droga. Gawa na rin ng hirap sa buhay siguro, sir, kaya napasok ko 'yon,” sabi ng suspek.
Mahaharap ang suspek sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. —KG, GMA Integrated News