Kalunos-lunos ang sinapit ng isang 78-anyos na lola sa Burgos, Pangasinan matapos siyang masunog at masawi nang makulong ng apoy sa bakanteng lote dahil sa ginawa niyang siga upang sunugin ang mga tuyong dahon.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Martes, sinabing nasunog ang katawan ng biktimang si Emerita Navida, ng Barangay Pogoruac sa bayan ng Burgos.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na nagsiga ang biktima sa bakanteng lote para sunugin ang mga tuyong damo at dahon.

Pero naging mabilis ang pagkalat ng apoy at hindi na nagawang makalayo pa ng biktima sa lugar hanggang sa maging siya masunog na rin.

"Nagkataon na matataas na yung damo doon tsaka yung halaman e na-trap siya. Sinubukan niyang tumakbo sa medyo safe na lugar then nakita nila doon na nga, nakahiga na yung matanda na medyo part ng kaniyang katawan ay sunog," ayon kay P/S Inspector Jervel Rillorta, hepe ng Burgos Police Station.

Labis naman na nagdadalamhati ang mga kaanak ng biktima na inilarawan nilang mabait at mapagmahal.

Wala naman nakikitang foul play ang pulisya sa insidente at pinayuhan nila ang publiko na maging maingat sa pagsisiga at huwag hayaan na mag-isa ang mga nakatatanda.-- FRJ, GMA News