Ilang buwan nang hindi nakakausap ng kaniyang mga kaanak sa Pilipinas ang isang babaeng overseas Filipino worker (OFW) sa Saudi Arabia na pinagseselosan umano ng babae niyang amo.

Sa ulat ni Paul Hernandez ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing Nobyembre 2023 pa huling nagpadala sa kanila ng mensahe ang 38-anyos na OFW na si Divina Yap, na nagtatrabahong domestic helper sa Dammam.

Humihingi umano noon ng tulong si Yap dahil sa takot na bitayin siya doon. Naikuwento rin umano nito na pinagseselosan siya ng babaeng amo.

"Sabi ng kapatid ko parang nagseselos daw kasi binibigay sa kaniyang rekta [ng lalaking amo] 'yung pagkain, hindi idinaraan sa asawa kasi nga tulog pa 'yung asawa pagdating.  'Yon ang kinakagalit ng babae," ayon kay Maria Christina Suarez, kapatid ni Yap.

Ang huling nalaman nila, isinama umano ng kaniyang amo sa Mecca si Yap.

"Magbabakasyon lang daw po sa ina ng babae ng two weeks, after two weeks balik po sila ng Dammam. Nilo-loadan ko siya sir dito P200 weekly para lang makapag-message sa amin ng text, kumustahin ng magkakapatid," sabi pa ni Suarez.

Nakipag-ugnayan na umano ang pamilya sa agency ni Yap pero wala pa silang nakukuhang impormasyon sa kung anong nangyari sa kanilang kaanak.

Inilapit na rin ng pamilya sa Department of Migrant Workers ang kaso ni Yap.

Hinihintay pa ng GMA Integrated News ang tugon ng agency at DMW tungkol sa sitwasyon ni Yap.-- FRJ, GMA Integrated News