Sa isang pahayag, isiniwalat ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo ang ilang detalye tungkol sa kaniyang pagkatao, at sinabing "love child" umano siya ng kaniyang ama sa isang kasambahay.
Sa naturang pahayag na naka-post sa kaniyang official Facebook page, muli ring iginiit ni Guo na wala siyang kinalaman sa operasyon ng POGO sa kaniyang nasasakupan, at hindi rin siya espiya ng ibang bansa.
Ayon sa alkalde, nahirapan siyang sagutin ang mga tanong ng mga senador tungkol sa kaniyang pagkatao dahil sa kakulangan niya ng kaalaman at nais niyang protektahan ang kaniyang matanda nang ama.
Pero dahil kailangan na rin umano niyang ipaalam ang katotohanan sa kaniyang mga kababayan, sinabi ni Guo na isang kasambahay ang kaniyang tunay na ina, na iniwan siya.
“Alang-alang sa aking mga kababayan na nagtitiwala at nagmamahal sa akin ay buong tapang ko pong sasabihin na ako po’y isang love child ng mahal kong ama sa aming kasambahay,” anang alkalde.
“Na ako po ay iniwan ng aking biological mother bata pa ako noon. At ako’y pinalaki at itinatago sa loob ng isang farm. Pinalaking matindi ang pag-iwas sa mga bagay na magbibigay sana sa akin ng pagkakakilanlan sa labas ng aming hog raising farm,” patuloy niya.
Nanindigan din si Guo sa kaniyang naunang pahayag na sa bahay lang siyang tinuruan, at nalaman na lang niya ang pangalan ng kaniyang ina nang mairehistro ang kaniyang kapanganakan.
“Ang pag-iwas ko rin pong magsinungaling sa aking mga sagot ay sanhi ng pagmamahal ko at pag-aalala sa mahal kong ama. Sa kanyang edad na 70 ay ayaw ko na pong makaladkad siya sa aking pinagdaraanan,” patuloy ng alkalde.
“Nangarap po ako at nagsikap para sa isang normal na buhay sa kabila ng kakulangan sa aking pagkakakilanlan. At hangad ko noon hanggang sa ngayon na maipagmalaki ako ng aking ama kahit anak niya ako sa labas ng matrimonya,” ayon kay Guo.
Sinabi pa ng alkalde, "traumatic" para sa kaniya ang mga tanong tungkol sa kaniyang pagkatao.
“Traumatic po sa akin ang mga tanong sa Senate hearing tungkol sa aking pagkatao, kasi ‘yan po ang mga tanong na ayaw kong mabuksan, na sana ay mayroon akong mga sagot na makapagpaparamdam sa akin na ako’y isang normal din na nilalang,” sabi ni Guo.
Dahil sa mga hindi masagot na katanungan ng mga mambabatas, ilang opisyal ang nagdududa sa tunay niyang katauhan at pinaghihinalaan na isa siyang espiya.
“Na nang sinagot ko ng kulang o hindi raw tugma sa papel na hawak nila ay maaaring espiya ako ng ibang bansa. Na dapat kasuhan. Na dapat patalsikin sa pwesto. Na dapat ikulong kasi ang sagot ay hindi ang nais nilang marinig. Hindi ko po sila masisisi, kasi hindi naman po nila batid na ang kasagutan na kanilang inaasahan, na maaaring magbigay sa kanila ng kapayapaan ng pag-iisip ay siya naman pong mga sagot na sasariwa sa sugat na nalikha sa aking kamusmusan,” pahayag niya.
Sa kaniyang pahayag, sinabi ni Guo na hangad niyang makilala ang tunay niyang ina para maalis ang mga pagdududa at mapatunayan na isa siyang Pilipino.
Kasabay nito, sinabi ni Guo na hindi siya protektor ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Bamban. Wala umano siyang sumbong o reklamong natanggap tungkol sa operasyon nito.
Ayon kay Guo, mayroong tanggapan ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa loob ng Baofu Compound, kung nasaan ang Zun Yuan Technology Incorporated. Giit ng alkalde, ang naturang tanggapan ang may kapasidad para subaybayan ang ilegal na gawain ng kompanya, at pigilin.
Una rito, iniutos ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na imbestigahan si Guo, at alamin kung dapat alisan siya ng kapangyarihan sa kapulisan sa kaniyang bayan.—FRJ, GMA Integrated News