Aabot sa hanggang 70,000 healthcare workers at higit 200,000 manggagawa sa iba pang industriya ang bubuksan umano ng bansang Austria.
Sa ulat ni Dano Tingcungco sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing hanggang 70,000 ang job opening para sa mga healthcare workers ang bubuksan doon ng nasabing bansa.
Bukod pa rito ang mahigit 200,000 manggagawa para sa iba pang industriya kabilang ang tourism sector.
Bunga raw ito ng partnership ng Pilipinas at pamahalaan ng Austria, na "win-win" situation daw para sa dalawang bansa, ayon sa Austrian Ambassador na si Dr. Johann Brieger.
Sinamahan ni Brieger nitong Martes ang delegasyon mula sa kanilang bansa na kinabibilangan ng kinatawan ng mula sa Vienna City government at Austrian Federal Economic Chamber.
Nakipagpulong sila kay Secretary Susan Ople ng Department of Migrant Workers (DMW), na ikinukonsidera na “promising labor market” para sa mga OFW ang Austria.
Ayon kay Usec. Patricia Yvonne Caunan, Policy and International Cooperation, kasama sa mga magiging rekisitos sa mga aplikanteng nurse ang pag-aaral ng wika sa Austria na Aleman.
"Bago umalis kailangan B1 sila, pagdating nila doon iko-continue nila to have a B2 German language proficiency," ayon kay Caunan.
Sinabi ng opisyal na hintayin na lang ang anunsyo kung kailan maaaring mag-apply pero dapat paghandaan ang mga kailangan, kabilang ang language requirement.
Batay sa datos ng DMW, mayroong 5,824 OFWs sa Austria. Sa nasabing bilang, 1,220 nito ang nasa hospitality and food service sector, at 749 ang nasa health and social work service.-- FRJ, GMA Integrated News