Naglabas ng babala sa mga Pinoy ang Philippine Embassy sa Oman kaugnay ng Facebook at Messenger account na ginagamit ang kanilang pangalan.
Nag-post din ang embassy sa kanilang official Facebook page ng screenshots ng mga mensahe na galing sa pekeng account.
Sa mensahe ng pekeng account, nangangako ito ng cash reward sa netizens para sa suporta. Hihingan ng personal information ang netizens para maiproseso ang umano'y reward.
"The public is hereby advised of a circulating scam from a Facebook/Messenger account pretending to be the Philippine Embassy in Oman," babala sa abiso.
"Please do not provide any personal information and ignore messages received from the said fraudulent account," paalala pa ng embahada.
"The Embassy does not use Messenger in disseminating information," dagdag nito.
Sabi pa ng embahada, ang mga impormasyon at iba pang update na galing sa kanila ay makikikita sa official website na (muscatpe.dfa.gov.ph) at official Facebook page (www.facebook/com/PHLinOman).
Pinapayuhan ang mga nakatanggap ng mensahe mula sa pekeng account na makipag-ugnayan sa embahada sa pag-email sa muscat.pe@dfa.gov.ph o via landline sa +968 2460-5335 or +968 2460-5176.
"The public is hereby enjoined to exercise caution and prudence especially when interacting online," ayon pa sa embahada. —FRJ, GMA News