Isang 59-anyos na Filipino-American ang hinihinalang panibagong biktima ng "hate crime" sa mga may lahing Asyano sa Amerika matapos siyang gulpihin at mawalan ng malay sa San Francisco, California.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabing malapit na ang biktimang si Danilo Yuchang sa kaniyang opisina nang bigla na lang siyang inatake ng salarin.
“Kung ako ang tatanungin, sa palagay ko hate-crime eh. Kasi walang nawala sa akin. Pati ‘yung mga binili kong pagkain, ‘yung wallet ko, ‘yung cellphone ko na nalaglag sa sahig, wala. Walang nawala,” ayon kay Yunchang.
Nangyari umano ang insidente noong Lunes at katatapos lang daw ng kaniyang lunch break sa Market Street sa San Francisco.
“Tinulak ako, eh, napasubsob ako. Nung pababa ako, sinuntok na ako, tuloy-tuloy na suntok. Nawalan ako ng malay, eh. Hindi ko alam kung gaano ako katagal nawalan ng malay,” kuwento niya.
Hindi na raw maintidihan ni Yuchang ang sinasabi ng umatake sa kaniya dahil sa naramdamang sakit.
Nang magkamalay na, nandoon na ang mga pulis at nasa ambulansiya na siya.
Sa pahayag ng San Francisco Police Department, mayroon umanong saksi na nakakita sa nangyari kay Yuchang.
“A witness told officers that the suspect ran up to the victim and punched him in the head multiple times causing him to fall to the ground where he lay motionless,” ayon sa pahayag.
Tumakas ang salarin sakay ng minibus.
Kinilala ng pulisya ang suspek sa pag-atake kay Yunchang na si George Davis Milton, na suspek din sa isa pang pag-atake.
Hindi pa batid ng pulisya kung ano ang motibo sa ginawang pag-atake kay Yunchang.
Ang pag-atake sa mga Asian-American sa Amerika ay sinasabing nagsimula nang mangyari ang COVID-19 pandemic.
Sa pag-aaral ng California State University San Bernardino, tumaas ng 149 percent ang hate crimes sa malalaking lungsod sa Amerika noong 2020.
“Emotional pain. Nakakapanghinayang, eh. Kasi dati ang San Francisco, napakatahimik na lugar. Then, biglang magkakaganito. Hindi ko alam bakit nagkakaganito ang mga tao,” ani Yunchang.— FRJ, GMA News