Posible kayang piliin sa isang menu ang itsura at katangian ng sanggol? Ito raw ang binabalak ngayon kung sakaling maisakatuparan ang kauna-unahang artificial womb facility sa mundo.
Sa video ng “Next Now”, sinabing palalakihin ang mga fetus sa labas ng sinapupunan at puwedeng piliin ng mga magulang ang katangian ng sanggol mula sa menu.
Ayon sa EctoLife, sasailalim sa genetic engineering ang mga embryo bago ilagay sa artificial womb.
Bukod sa pagtatakda ng pisikal na katangian gaya ng kulay ng mata, buhok at balat, maging ang lakas ng katawan at talino, kaya rin daw nilang tanggalin ang genetic diseases.
Bawat pod ay dinisenyo para magaya ang eksaktong kondisyon ng sinapupunan.
Meron din itong internal speakers para maiparinig sa mga fetus ang iba’t ibang lenggwahe at musika na napatunayang nakakapagpatalino sa bata.
Puwede ring ma-monitor ng mga magulang sa smartphone ang development ng kanilang anak.
Sabi ng EctoLife, ang plano nilang laboratoryo ay nakabase sa 50 taong research.
Ang nasa likod nito ay si Hashem Al-Ghaili, isang biotechnologist at science communicator.
Batay sa ethical guidelines, puwedeng pag-aralan ang human embryos sa loob ng 14 araw.
Kung tatanggalin ang restrictions, posibleng maisakatuparan ang EctoLife facility sa loob ng sampu hanggang labing-limang taon. — VBL, GMA Integrated News