Biglang nagliwanag ang balkonahe ng isang bahay sa Para, Brazil nang tamaan ng isang batang babae ang live wire gamit ang pinaglalaruan niyang stick. Nakaligtas kaya siya? Alamin.

Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, makikita ang pitong-taong-gulang na babae na hawak ang stick na kaniyang pinaglalaruan kasama ang isa pang batang lalaki.

Kasama rin nila nang sandaling iyon ang dalawang nakatatanda na pareho namang abala sa kanilang ginagawa.

Maya-maya lang, lumapit na ang bata sa railing ng balkonahe at tila ipapalo ang hawak niyang stick.

Dito na nagkaroon ng maliit na spark dahil natamaan pala niya ang katabing live wire sa balkonahe, at nasundan ng mas malakas na pagkislap.

Natumba ang bata dahil sa electric shock, at kaagad siyang sinaklolohan ng mga nakatatanda.

Ayon sa ama ng bata, nangyari ang insidente sa ikalawang palapag ng kanilang bahay habang naghahanda para sa kanilang hapunan.

May bakal na wire umano ang stick na hawak ng anak kaya dumaan doon ang kuryente mula sa kable nang tamaan.

Sa kabutihang palad, nakaligtas naman ang bata na minor injuries lang ang tinamo.

Ngunit hindi kasing-suwerte ng bata ang isang lalaki sa Matshura, India na nasawi nang aksidenteng dumikit sa live wire ang bakal na hagdan na kanilang binubuhat.

Sa video, makikita na agad na natumba ang isang biktima nang madikit na sila sa kuryente. Habang ang isa pang biktima, hindi na naalis ang kamay sa bakal.

Nasawi ang isa sa kanila, habang nagtamo ng matinding paso sa katawan ang isa pa.

Nagsagawa ng imbestigasyon ang kapulisan para alamin kung sino ang dapat managot sa nangyaring insidente, --FRJ, GMA Integrated News