Nagdesisyon si Jiro Manio na ibenta ang kaniyang Gawad Urian trophy para sa Best Actor sa halagang P75,000.

Sa vlog na “Pinoy Pawnstars,” na video series ni Boss Toyo o Jayson Luzadas, isinangla ni Jiro ang naturang trophy na napanalunan niya noong 2004 para sa pelikulang "Magnifico."

Ito rin ang parangal ni Jiro na nakagawa siya ng kasaysayan bilang ang pinakabatang aktor na manalo nito sa edad 12.

“Napanood kita, sabi nu’ng utol ko na magtatayo ka raw ng museum. Naisip ko, sana mapabilang ako du’n, sa mga dating artista na nakatanggap ng award,” sabi ni Jiro kay Boss Toyo.

Pinangaralan din si Jiro ng FAMAS at Metro Manila Film Festival awards para sa role.

Sinubukan ni Jiro na ibenta ang award sa halagang P500,000, ngunit inaming wala siyang gaanong alam sa pagpepresyo ng mga napanalunang trophy.

Humirit si Boss Toyo ng P50,000 hanggang P60,000 ngunit iginiit ni Jiro ang presyo sa P100,000.

Napansin naman ni Boss Toyo na hindi nakaukit ang pangalan ni Jiro sa trophy.

Kalaunan, nagkasundo sina Jiro at Boss Toyo sa halagang P75,000 para sa trophy.

“For sure, makikita mo ito sa museum at hindi naman 'to mapapabenta," pagtiyak ni Boss Toyo kay Jiro.

“Ikaw mismo, mataas ang respeto pa rin at tingin namin sa 'yo. Never na ma-de-degrade ‘yon kahit ano pa man kasi ‘yung na-contribute mo sa pinilakang tabing, meron ka doong ambag, hindi nila ‘yun maalis sa ‘yo. Puwede mo ‘yun ipagyabang na meron kang contribution,” mensahe ni Boss Toyo kay Jiro.

Bago magtapos, pinapirmahan ni Boss Toyo kay Jiro ang kanyang tropeo.

“Happy po ako dahil tinanggap ni Boss Toyo ‘yung award-giving body ko na pinapatago ko sa kaniya para sana maipalagay niya sa museum, kung matuloy ‘yun. Nagpapasalamat ako at naging okay naman. ‘Yun lang, maraming salamat po,” sabi ni Jiro.

“I am happy for him. We’re glad to be of service,” komento ni Manunuri ng Pelikulang Pilipino (MPP) member Butch Francisco sa isang pahayag na inilathala ng pep.ph

Ang MPP ang grupo sa likod ng Gawad Urian. Ikinatuwa pa ni Butch na napakinabangan ni Jiro ang tropeo, dahil hindi bababa sa P6,000 ang halaga ng pagpapagawa ng MPP sa tropeo.

Matatandaang nakaranas ng mga hamon sa buhay si Jiro. Noong 2015, nakita siyang palaboy-laboy sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 nang ilang araw.

Isa sa mga tumulong sa aktor si AiAi Delas Alas, na co-star ni Jiro sa serye ng pelikulang “Ang Tanging Ina,” upang makabangon ito mula sa pagkalulong sa droga sa pamamagitan ng pagdadala sa kaniya sa rehab center. 

Nadakip naman si Jiro noong 2020 dahil umano frustrated homicide.

Mayroon siyang dalawang anak na babae ngunit hindi kasal. —Jamil Santos/NB, GMA Integrated News