Isang 26-anyos na criminology graduate na pumunta ng Maynila mula sa Samar para maghanap ng trabaho ang nasawi matapos saksakin at kuyugin ng mga tao. Ang biktima, ninakawan umano ng cellphone pero napagbintangan naman na siya ang magnanakaw.
Sa ulat ni Joseph Morong sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay 718 sa Maynila.
Sa video footage, nakitang nakahubad at nakahandusay ang hindi na gumagalaw na si Christian Ambon, na may saksak sa tagiliran.
Isinugod siya sa ospital kung saan siya binawian ng buhay.
Kakaluwas lang umano ni Ambon sa Maynila para maghanap ng trabaho. Pero sa kasamaang-palad, trahedya ang kaniyang dinanas.
Ayon sa ina ni Christian na si Bonifacia Ambon, nabaliktad umano ang kaniyang anak na siyang ninakawan ng cellphone pero pinagbintangan na magnanakaw.
Bago pumanaw, nasabi pa umano ng anak na isang "Junjun" ang kumuha sa kaniyang cellphone kaya hinabol niya ito hanggang sa bahay.
Pero may sumigaw umano ng magnanakaw kaya si Christian ang napagbintangan.
“Hindi po gagawin ng anak ko kahit mahirap po kami hindi niya gagawin ‘yun,” emosyonal na sabi ng ginang.
“Hinablutan siya ni 'Junjun,' tapos sinugod niya sa taas, nung pumunta siya sa taas, sumigaw yung babae, magnanakaw, magnanakaw. Yun pala sinaksak na siya ni Junjun,” dagdag ng ginang.
Sinabi pa ng ginang na nadinig pa umano ang kapitan ng barangay na sinabi sa mga tao na itapon sa ilog si Christian.
Pero itinanggi ito ng barangay captain na si Mark Delfin.
Wala rin umanong "Junjun" sa kanilang lugar, at si Christian din daw ang unang nag-amba na mananaksak.
“Papasok na sila ng bahay nila, naglabas ng kutsilyo at akma na aambahan yung kasama niya. Tapos umatras. Hindi na ngayon alam ng kasama niya kung saan siya pumunta nagulat na lang na nagkagulo dito sa may portion ng likod. Pagbagsak dun sir, nagsigaw dun inakyatan niya ng magnanakaw. Akala kasi nila magnanakaw," sabi ni Delfin.
Dagdag pa nito, "Hindi naman siya ginulpi ng taongbayan kung hindi sa nanaksak.”
Sinampahan pa si Christian ng reklamong trespassing at frustrated murder.
Plano naman ng pamilya ni Christian na kasuhan ang nanaksak sa biktima, at mga taong gumulpi sa kaniya.
Nagsasagawa naman ng imbestigasyon ang Manila Police District sa nangyaring insidente.
Nais ng pamilya na maiuwi sa Samar ang labi ni Christian pero kulang ang kanilang pera para maisagawa ito. — FRJ, GMA Integrated News