Nagkatensyon sa isang pamilihan matapos mag-agawan ang isang pulis at isang tricycle driver sa isang sling bag na may laman palang baril sa Medina, Misamis Oriental.
Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Biyernes, mapanonood sa isang video ang pamimilit ng isang lalaki na naka-asul na t-shirt na padapain ang isa pang lalaking naka-sweat shirt habang nag-aagawan sa isang sling bag.
Hanggang sa isang lalaking nakasuot ng dilaw ang tumulong na para kunin ang sling bag.
Kalaunan, isang baril ang nakuha mula rito.
Ayon sa Police Regional Office 10, isang intelligence officer na pulis ang lalaking naka-asul.
Bago ang pangyayari, nakita ng pulis ang lalaking tricycle driver na may isinukbit na baril sa kaniyang baywang.
Sinundan niya ang tricycle driver gamit ang motorsiklo. Pagkarating sa palengke ng bayan, doon na niya kinompronta ang tricycle driver.
Kasama ng baril, nakuha rin sa tricycle driver ang anim na bala.
Hawak na ng pulisya ang lalaki, na sinusubukan pang kunan ng pahayag ng GMA Regional TV.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News