Labis na nag-aalala ang ina ng nawawalang beauty queen na si Catherine Camilon matapos na hindi umuwi at hindi makipag-ugnayan sa kanila ang anak mula pa noong Biyernes ng gabi ilang oras matapos umalis.
Sa ulat ni Denice Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Lunes, napag-alaman na dakong 6:00 pm noong Biyernes nang magpaalam sa kaniyang ina si Catherine, 26-anyos, isang guro, na pupunta sa Batangas City para may katagpuin.
Sakay umano si Catherine ng SUV, na huling nakapagpadala ng mensahe noong Biyernes na nasa isang gasoline station siya sa Bauan, Batangas.
Pero pagkaraan pa ng ilang oras, hindi na nila makontak si Catherine na kandidata sa Miss Grand Philippines 2023, bilang kinatawan ng bayan ng Tuy, Batangas.
"Simula nga ho noong mauso 'yang cellphone na 'yan, 'yang internet, wala ho siyang araw na hindi siya nagsasabi ng, 'ina nandito ako, ina ako ay nakain.' Ganyan ho updated ho siya," kuwento ni Rosario, ina ni Catherine.
Dahil magdiriwang siya ng kaarawan, nanawagan si Rosario na umuwi na, at umaasa siya na nasa mabuting kalagayan ang kaniyang anak.
"Anak, ikaw ay umuwi na. Kung nasaan ka man, sana ikaw ay maayos, sana'y ligtas ka. Umuwi ka na anak at ikaw ay hinihintay na namin," ayon sa ginang.
"Birthday ng ina eh, 'yun lang ang gawing mong pa-birthday sa akin. Anak, umuwi ka na, kami'y naiinip nang ikaw ay makita. Miss na miss ka na namin, anak," dagdag ni Nanay Rosario.
Sinabi naman ni Police Major Nepthali Solomon, hepe ng Tuy Police station, nagsagawa na sila ng "flash alarm" para hanapin si Catherine.
Humingi umano ang pulisya ng kopya ng CCTV footage sa lugar na huling sinabi ni Catherine na kaniyang kinaroroonan. Gayunman, lumitaw na walang CCTV ang gasolinahan na tinukoy ni Catherine.
Kaya naman magsasagawa umano ng backtracking ang mga awtoridad upang malaman ang mga lugar na pinuntahan ng beauty queen. -- FRJ, GMA Integrated News