Makakatambalan si Alden Richards para sa pelikulang “Five Breakups and a Romance,” inilahad ni Julia Montes na nakaramdam siya ng pressure na sundan ang highest-grossing film sa Philippine cinema na “Hello, Love, Goodbye,” na pinagbidahan din ng kaniyang leading man at ni Kathryn Bernardo.
“Siguro po pressure siya in the sense dahil ang paningin ng tao, after nina Kathryn, kami po,” sabi ni Julia sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes.
Gayunman, sinabi ni Julia na proud siya para kay Kathryn, na kaibigan na niya mula pa noong pagkabata.
“But ako po kasi mas proud ako, doon ako tumitingin. Kasi si Kathryn ‘yun eh.”
“Para akong ate ni Kathryn na every time may naa-achieve siya, ako ‘yung isa sa pinaka-masasaya. So imbes na tingnan ko siya na nape-pressure lang, I’m proud na si Kathryn ‘yung nandoon,” dagdag ni Julia.
Ayon kay Julia, tatanggapin nila ni Alden ang anumang blessing na kanilang makamit sa kanilang pelikula.
Sinabi rin niyang suportado rin ni Kathryn ang “Five Breakups and a Romance.”
“And kung ibe-bless kami with this film, bakit hindi? We’re happy, and Kathryn is very supportive after her film right now and then kami ‘yung susunod. Nagkataon na laging kami ‘yung nadidikit,” ani Julia.
Itinuturing nina Julia at Kathryn na ang kanilang pagkakaibigan ang “original loveteam.”
“Pero happy kami kasi ang lagi naming biro sa isa’t isa, ‘Tayo ang original love team, nami-miss na natin ang isa’t isa, kailan tayo gagawa?’ Our bond is really special,” sabi ni Julia.
“Bago pa nabuo ang mga loveteam, kami na ang mga original loveteam, at ‘yun ang loveteam na hindi matitibag sa aming dalawa.”
Kinumpirma ni Julia na pupunta rin si Kathryn sa premiere night ng “Five Breakups and a Romance.” —VBL, GMA Integrated News