Nakilala bilang bokalista ng Moonstar88 na tinig sa likod ng hit songs na "Torete," "Sulat at "Ang Pag-ibig Kong Ito," binalikan ni Acel Bisa kung bakit siya nawala sa banda at paano nagsimula sa kaniyang 18th birthday ang pagpasok niya sa music industry.
Sa Bawal Judgemental segment ng "Eat Bulaga" nitong Lunes, isa sa naging guest choices si Acel tungkol sa mga dating band vocalist na naging solo artist.
Ayon kay Acel, isang singer-songwriter, nagsimula ang kaniyang singing career sa edad na 18.
"Noong 18th birthday ko, nagpa-banda ako, kasi uso, 1994 'yun eh," kuwento niya.
"Nagpa-banda ako, tapos pinatugtog ako ng bandang kapitbahay namin, kinanta ko 'yung Bizarre Love Triangle. Tapos they said na we're looking for a vocalist na babae, puwede bang ikaw?," kuwento niya.
Unang naging banda ni Acel ang Orphan Lily, at noong 1999 at naging bahagi na siya ng bandang Moonstar88.
Umalis siya sa banda noong 2004 nang mag-asawa at para magpahinga.
"Kasi dati palagi akong umaalis because of the tours, concerts. And then I just decided na parang napagod din and I needed to take a break," sabi ni Acel.
"So four years akong nag-stop and I got married in 2004 and had kids," pagpapatuloy niya.
Pero noong bumalik sa kaniyang singing career, hindi na siya bumalik sa banda dahil may pumalit na kaniya na si Maychelle Baay.
Bumalik sa pagkanta si Acel bilang solo artist noong 2008, na ayon sa kaniya ay mas pabor sa kaniya bilang isang ina at maybahay.
"Unlike before, palaging consensus and we work together as one. Now, the final decision is mine. Na-stretch ako artistically," sabi niya.
"It works for me as someone who has kids and as a wife. I can say no na hindi ko iniisip 'yung mga kabanda ko na 'Naku paano sila gusto nilang tumugtog pero hindi ako pwede?'" dagdag ni Acel.
Hindi naman naiwasan ni Bianca Umali na host sa programa na maging fangirl kay Acel, na paborito pala ang "Torete."-- FRJ, GMA Integrated News