Nakatakdang sumabak sa isang online gaming tournament si Megan Young kung saan ang kikitain sa livestreaming ng kaniyang laro, gagamiting pangtulong para sa isang foundation.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras," sinabing avid gamer din si Ms. World 2013 at madalas pa niyang makalaban ang mister na si Mikael Daez.
Sa tournament na sasalihan niya sa Biyernes, mapagsasama ni Megan ang kaniyang love for gaming at pagsuporta sa mga adbokasiya ng equality at HIV awareness.
Makakalaban ni Megan ang drag queen na si Red Fernandez.
"Yes, si Red ang makakasama ko. I'll be up against Red, Red is the high rank there in the game that I'm going to play, and ako, chill gamer. My only tip that I can give you is to enjoy. Parang larong magkakaibigan lang," sabi ni Megan.
"That's when you're in game, talagang the emotions are high, talagang iniisip mo my game is at risk here, especially kung rank battle ito dahil ayaw mo bumaba ang rank mo," dagdag pa ng Kapuso actress.
Ipangtutulong sa Love Yourself Foundation ang pondong malilikom sa livestreaming ng laro nina Megan at Red para sa HIV testing, at maihatid ang mga gamot ng mga taong may HIV sa panahon ng pandemic.
"Hindi na tayo puwedeng lumabas to go to our community centers para makapagpa-test. Very relevant time po siya sa time ng COVID-19 dahil po 'yung mga clients natin sila po ay immuno-compromised. All the more mas kailangan po ng support, mas ituloy pa 'yung service natin despite the pandemic," sabi ni Red.
"Ang mga nasabi ko sa mga friends ko, dapat 'yung trashtalk na gawin mo, para ma-caught off guard ang kalaban mo is positive reinforcement na 'Uy ang ganda ng steal mo,' 'Uy ang ganda ng mega kill mo, imba ka talaga!' And then they'll be like 'Huh?'" ayon naman kay Megan.--Jamil Santos/FRJ, GMA News