Apat na miyembro ng isang pamilya ang nasawi matapos silang makulong sa nasusunog nilang bahay sa Barangay Pulang Lupa Uno sa Las Piñas City nitong Lunes ng umaga.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa GMA News Unang Balita, sinabing 38-anyos ang nasawing padre de pamilya, 35-anyos ang ginang, habang 17-anyos at tatlong-taong-gulang ang kanilang mga anak.
May iba pang kasama ang mga biktima sa bahay na nakaligtas, habang nasa trabaho naman ang iba pa.
Inihayag ng Bureau of Fire Protection-National Capital Region (BFP-NCR), na dakong 2:30 am nang maapula ang sunog na iniakyat sa unang alarma.
Makitid umano ang daan sa lugar kaya naging pahirapan ang pagpatay sa sunog.
Ayon pa sa BFP, bumagsak ang mezzanine na nasa ikalawang palapag ng bahay kung saan natutulog ang mag-anak. Nakita ang katawan ng padre de pamilya sa kusina.
Ang faulty electrical wiring ang isa sa mga tinitingnan ng mga awtoridad na posibleng pinagmulan ng sunog.—FRJ, GMA Integrated News