Patay ang isang padre de pamilya matapos siyang tadtarin ng saksak ng kaniyang kababata na napuno na umano dahil sa kaniyang pambu-bully at panunutok ng baril sa Navotas City. Ngunit ang kinakasama ng biktima, itinanggi ang paratang ng suspek.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes, kinilala ang biktima na si Alfredo Libao Jr., 43-anyos.

Nangyari ang insidente sa Barangay Tangos South, na nakuhanan pa ng video.

Mapapanood na nakahiga na ang biktima at nagmamakaawa, ngunit patuloy pa rin sa pag-unday ng saksak ang kaniyang kababata.

Naidala pa si Libao sa ospital, ngunit dineklarang dead on arrival matapos magtamo ng mga saksak sa leeg at katawan.

Nadakip ang suspek na kaniyang kababata sa follow-up operation, at nakuha rin ang ginamit niyang patalim.

“Umabot po sa pananaksak kasi napuno na rin itong ating suspek dahil binu-bully daw nga siya nitong biktima. Sa kanilang almost years na rin na halos magkapitbahay naman sila, palagi raw siyang binu-bully at humantong pa sa panunutok daw ng baril sa kaniya,” sabi ni Police Colonel Mario Cortes, Chief of Police ng Navotas.

“Kaya ko lang po nagawa ‘yun, na-bully na po sa mga ginagawa niya sa akin. Lagi niya ako inaasar tapos mumurahin ako. Minsan, ‘Baliw.’… Inanuhan pa ako ng baril niyan, tinutukan ako,” sabi ng suspek.

Gayunman, itinanggi ito ng kinakasama ni Libao.

Ayon sa ginang, Disyembre nang magkaroon ng hindi pagkakaintindihan ang magkababata.

“‘Yung bully-han po nila, tatlong beses na po rin sila nagpapang-abot. Lagi niya po kasing ‘Kumana ka na, kumana ka na. Lagi niya hong ginagano’n ‘yung asawa ko. Ang asawa ko, laging sinasabi ko sa kaniya, ‘Umiwas ka na lang, nasa iyo ‘yung anak mo,’” sabi ng kinakasama ng biktima.

Pangalawang beses nang mabibilanggo ang suspek matapos masangkot na rin sa insidente ng pananaksak noong 2015. Nasampahan na siya ng reklamong murder.

“Humingi ako ng pasensiya sa kanila, patawarin nila ako sa kasalanan na nagawa ko,” saad ng suspek.

“Hindi ko po kayang tanggapin ‘yun. Kasi noong time na ‘yun, tinatawag din siya ng asawa ko na ‘Pre, pre. Tama na pre. Pero hindi niya pinakinggan,’” saad ng kinakasama ni Libao.

Nagluluksa naman ang ginang sa pagpanaw ng kaniyang kinakasama.

“Paano pa sasaya ‘yung anak ko ngayon? Hindi na po namin makakasama ‘yung daddy niya eh. Hindi na po namin kaya ibalik. Saka sa maliit na alitan, parang aso naman na pinatay niya ‘yung asawa ko,” sabi ng ginang, na kalong-kalong ang kanilang pitong taong gulang na anak. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News