Dalawa ang sugatan nang magpaputok ng shotgun ang isang lalaki sa gitna ng noche buena sa Barangay NBBS sa Navotas City.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa Unang Balita nitong Martes, mapapanood sa CCTV ang pagtatakbuhan ng grupo ng mga lalaki na palabas ng looban ng naturang barangay.

Ilang minuto bago mag-Pasko, hinahabol at pinaputukan na ng lalaking may dalang shotgun ang isa namang lalaking may dalang pistola.

Kasunod ng suspek at biktima ang ilan pang lalaking tumatakbo rin palabas ng looban.

Ilang saglit pa, duguan na ang ulo ng isang lalaki na inaalalayan ng dalawang babae.

Lumabas sa imbestigasyon ng Navotas Police na suspek sa gulo ang nakakulay-asul na t-shirt, na nakaaway umano sa inuman sa dulo ng looban ang lalaking may dalang shotgun.

"Based sa investigation namin, nag-usyoso itong mga natamaan, kasi nagpambuno itong suspek natin, saka 'yung mga intended na babarilin niya sana, eh pumutok po 'yung baril, at tinamaan itong mga na-biktima na dalawa," sabi ni Police Colonel Mario Cortes, Navotas City police chief.

Dagdag ni Cortes, may alitan umano sa babae ang suspek at ang biktima.

Kinilala ang lalaking nakitang duguan sa CCTV na si Robin Gisalan, 20, na lumalabas na nadamay lamang sa gulo at tinamaan ng bala sa ulo.

Inilahad ng tiyahin ng biktima na nagno-noche buena sila noon sa labas ng kanilang bahay nang mabulabog sila ng mga putok ng baril.

Patuloy na inoobserbahan sa ospital ang biktima at ang isa pang tinamaan ng bala.

Nadakip din agad ang suspek na si alyas "Ruben," 28-anyos.

Patuloy na sinisikap ng GMA Integrated News na makunan ng panig ang suspek, na sinampahan ng dalawang counts ng frustrated homicide at illegal possession of firearms.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News