Isang lalaki ang nang-agaw ng baril ng pulis na nagbabantay sa sementeryo sa Parañaque. Ang insidente, nangyari ilang saglit lang matapos makipagsuntukan ang suspek sa kaniyang kasama habang naglalakad.

Sa ulat ni Jaime Santos ng GTV "State of the Nation" nitong Miyerkules, makikita sa kuha ng CCTV camera sa Barangay Dionisio kaninang madaling araw ang suspek na si Luigi Ganuza, 21-anyos, na nakikipagsuntukan sa kaniyang kasama habang nasa kalsada.

Hindi kalayuan sa dalawang nagsusuntukan, nakatayo naman sa bangketa si Police Corporal Roselito Delayon, na nasa tabi ng police mobile, at hindi nakikita ang kaguluhan dahil nakatingin siya sa cellphone.

Ilang saglit lang, tumigil sa suntukan ang dalawang lalaki at naglakad patungo sa kinaroronan ni Delayon. Si Ganuza, lumapit kay Delayon at sinunggaban ang baril nito.

Nagpambuno ang dalawa hanggang sa maagaw na ni Ganuza ang baril at itinutok kay Delayon.

Tumulong naman ang kasamang pulis ni Delayon na nasa police mobile at iniumang ang baril kay Ganuza.

Ayon sa ulat, nagkaroon ng putukan pero walang tinamaan. Si Delayon, nakagapang papunta sa kaniyang kasamang pulis.

Nakatakas si Ganuza dala ang baril ni Delayon.

Kinalaunan, naaresto rin si Ganuza matapos na mahulog sa creek nang may tutukan umanong mga kabataan. Nabawi rin ang inagaw niyang baril.

Ayon kay Police Captain Melvin Garcia, chief investigator Paranaque Police, inakala raw ni Delayon na magtatanong lang sa kaniya si Ganuza nang lumapit ito sa kaniya.

Sinabi naman ni Ganuza na hindi niya alam ang nangyari dahil sa kalasingan.
Mahaharap si Ganuza sa patong-patong na reklamo, habang pagpapaliwanagin naman si Delayon sa nangyari. --FRJ, GMA Integrated News