Arestado ang isang pulis at kaniyang kapatid na magsagawa umano ng sarili nilang operasyon upang kikilan ang kanilang hinuhuli gamit ang pinekeng ID ng pulis.
Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, kinilala ang naarestong suspek na si Police Staff Sergeant Lordgin Antonino, at ang kaniyang kapatid na si Nelson Antonino Jr.
Gumagamit umano ng pekeng identification cards ng pulis ang magkapatid at nagsagawa ng operasyon sa isang hotel sa Pasay City.
Sa naturang hotel, hinuli umano ng magkapatid ang ilang Chinese national, at hiningan ng kalahating milyon piso para palayain.
"Member nga siya ng DSOU (District Special Operations Unit) kaya nung nagtanong ang opisyal natin... kung meron operation ang sabi ng kaniyang chief eh wala," ayon kay Police Colonel Froilan Uy, hepe ng Pasay Police.
Nang rumesponde ang mga pulis-Pasay matapos makatanggap ng impormasyon tungkol sa naturang hulihan, naabutan ang magkapatid na suspek.
"Nung pumunta na sila sa 4th floor nandoon na yung sinasabing kaibigan ng Chinese national na nakaposas pa," ayon kay Uy.
Ipinaliwanag umano ni Lordgin na rumesponde lang sila sa lugar matapos makatanggap ng impormasyon na may ilegal na nangyayari sa hotel. Pero hindi umano naipaliwanag ng pulis ang awtorisasyon nito sa ginawa kung bakit may pekeng ID sila ng pulis.
"Sabi ko ano bang authority mo para pasukin 'yan kung may ilegal man. Kung 'yan ay cybersex ikaw ba ay member ng ACG (Anti-Cybercrime Group). Member ka ba ng womens protection desk, hindi niya na maipaliwanag," sabi ni Uy.
Sasampahan ng kaukulang kaso ang magkapatid.—FRJ, GMA Integrated News