Nagkabasag-basag ang screen at nabali ang laptop ng isang pasahero matapos niya itong idaan sa x-ray scanner ng MRT3.
Humingi ng paumanhin ang pamunuan ng MRT3 ngunit dumepensang hindi nasabihan ang mga guwardiya na may laptop sa loob ng bag.
Sa ulat ng Saksi nitong Martes, sinabing nakapila ang pasaherong si Allana Columbres pasado 9 ng umaga noong Marso 15 para sa scanner ng mga gamit papasok ng MRT Taft Station.
Inilatag ni Columbres pahiga ang bag kung saan naroon ang kaniyang laptop. Gayunman, pilit ipinasok umano ng isang lalaking pasahero sa kaniyang likuran ang sariling bag nito kaya tinamaan ang kaniyang bag.
Naalarma si Columbres dahil naiwan sa loob ng scanner ang kaniyang bag, ngunit tila walang pakialam umano ang mga security guard na naka-duty. Hindi rin umano nila pinindot ang emergency stop button ng scanner.
Nang suriin ni Columbres ang laptop, nabali na ito at nabasag ang screen.
“The security guards on duty, however, were not informed that the backpack contained a laptop. Hence, the electronic gadget was not put on a separate tray, a pile of which is found beside the x-ray scanner, before it was placed on the conveyor belt,” ayon naman sa pahayag ng MRT3.
“Contrary to what Ms. Columbres has said, however, CCTV recording captured that her bag was already in an upright position when she placed it on the conveyor belt. There was also an adequate space between her bag and that of the passenger who was next in line to her,” dagdag pa ng pamunuan ng MRT3.
Bukod dito, itinigil din ng operator ang x-ray machine nang magkaroon ng jam.
“The signage also reminds passengers that MRT3 will not be liable for any baggage losses or damages incurred while the x-ray scanner is in operation and also while the passenger is inside MRT3 premises,” saad ng pamunuan ng MRT3.
Sa kabila nito, humingi na ng paumanhin ang MRT3 kay Columbres.
Pero sinabi ni Columbres na wala siyang naalalang sinumang nagpatigil ng x-ray machine.
Sinabi niya na hindi siya galit sa mga guard, ngunit nadismaya na wala umano itong urgency sa nangyari at simpatiya para sa mga pasahero.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News