Mabibili ang mga sibuyas na singlaki ng kamao sa halagang P330 hanggang P350 kada kilo sa Pasay Public Market.
Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Martes, sinabi ng ilang nagtitinda na imported ang mga ito. Nakuha nila ang mga ito sa Divisoria, pero hindi nila masabi ang eksaktong pinanggalingan ng mga sibuyas.
May mga puting sibuyas na rin na matagal nawala sa mga pamilihan.
Hinihintay ng GMA Integrated News ang paliwanag at reaksyon ng Department of Agriculture at iba pang ahensya ng gobyerno tungkol sa mga malalaking sibuyas.
Malaki na rin ang ibinaba ng presyo ng sibuyas mula P700 noong Disyembre, kaya unti-unti na ring nakababawi ang mga nagtitinda ng gulay.
Pero para sa maraming mamimili, mahal pa rin ang kasalukuyang presyo.
Inaprubahan nitong Enero ng DA ang pag-aangkat ng sibuyas.
Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na tumatayong Agriculture Secretary, na kinailangan na ng Pilipinas na mag-import ng sibuyas. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News